DSWD, itinama ang malisyosong balita ukol sa pagtanggal sa 1200 empleyadong COS

Featured, News 0 Comment 0

Pinapabulaanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang balitang pagtanggal sa 1,200 na manggagawang Contract of Service (COS) mula sa ahensya. 

Base sa opisyal na dokumento, may pagbaba sa bilang ng mga manggagawang COS sa ahensiya subalit hindi ito dahil sa pag-alis sa ilan sa kanila. Ito ay batay sa mga sumusunod na kadahilanan:

  • Mula Hunyo 2018 hanggang Marso 2019, may 876 na mangagawang COS ang nabigyan ng permanent, casual, contractual, coterminous positions;
  • Pagbaba sa inaprubahang badyet para sa taong 2019 ng Sustainable Livelihood Program (SLP) kung kaya’t bumaba din ang bilang ng mga posisyong para sa mga mangagawang COS;
  • Nalalapit na pagtatapos ng implementasyon ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) kung saan karamihan sa mga manggagawa ay mga COS;
  • Kusang pagbibitiw ng mga manggagawang COS na lumipat sa ibang ahensiya ng gobyerno o kaya ay sa pribadong sektor.

Sa katunayan, dahil patuloy na lumalawak ang sakop ng mga programa ng ahensiya ay mas marami pang manggagawa ang tinatanggap nito. Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga empleyado ng ahensiya ay umaabot na sa 27,000 na kinabibilangan ng mga permanent, casual, contractual, coterminous, COS o Memorandum of Agreement (MOA), at Job Orders (JOs).  Ang bilang ng mga manggagawang COS o MOA at JOs ay 13,294.

Dagdag pa rito, ang kasalukuyang pangasiwaan ng ahensiya ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) para sa regularisasyon ng mga manggagawang COS. May 8,083 regular na posisyon ang idinulog at isinumite sa DBM kung saan 4,779 posisyon ay para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, 734 para sa centers at institutions, 2,422  para sa SLP, 21 para sa DSWD Field Office (FO) II, 29 para sa FO VII, 81 para sa FO X, at 17 para sa FO XI.

Ang DSWD ay magsasagawa ng isang Workforce Planning Workshop ngayong buwan upang pag-usapan ang pagdagdag ng mga regular na posisyon para sa mga opisina sa Central Office. Kapag naaprubahan ang mga ito ay maaaring mag-apply ang mga manggagawang COS kung sila ay kwalipikado ayon sa mga panuntunan ng Civil Service Commission (CSC). Ang mga manggagawang COS ay binibigyang prayoridad para sa mga karagdagang regular na posisyon dahil na rin sa kanilang mga karanasang nakuha habang nasa ahensiya.

Mataas ang respeto ng ahensiya sa mga manggagawa nito at patuloy nitong binibigyang halaga ang kanilang mga karapatan at seguridad sa empleyo. -30-