Pamilya Darauay: Sipag at tiyaga ang puhunan sa pagtawid sa kahirapan

Featured, News 0 Comment 0
Nakapagtayo ng isang maliit na tindahan ng miryenda ang mag-asawang Romeo at Rizalina Darauay mula sa naipon nilang pera galing sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Madalas kaming hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw. Ang mga anak ko, hati-hati pa sa isang supot ng biskuwit maginhawaan man lang saglit ang kanilang kumakalam na mga bituka sa maghapon.”

Ito ang salaysay ni Rizalina Darauay, isang maybahay at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Annafunan, Tuguegarao City, habang inaalala niya ang mga panahong hindi nila maibigay ng asawang si Romeo ang mga kailangan ng kanilang tatlong anak.

Ang 4Ps ay ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Layunin ng programa na mapabuti ang kalagayan ng mga mahihirap sa pamamagitan ng pagtitiyak na nababantayan ang pangkalusugang pangangailangan ng sambahayan at  masiguradong nakakapasok ang mga bata sa paaralan.

Dahil hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang mag-asawa, minabuti ni Rizalina noon na magsikap sa pagtitinda sa harap ng simbahan, habang si Romeo naman ay naging mangangalakal ng basura upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga anak.

 “Ang sabi ko sa sarili ko, titiisin ko ang lahat makakain lamang ng kahit isang beses sa isang araw ang aking pamilya. Sa pangangalakal ko ng basura, minsan, natutukso akong mag-uwi na lamang ng mga pagkaing naitatapon ng iba. Ang ikinakatakot ko ay kung maging sanhi pa ito ng mas higit na kapahamakan sa kanilang kalusugan,” ani Romeo. Dati rin ay madalas na asukal na may tubig lamang ang kanilang itinitimpla na pamalit sa gatas ng kanilang maliliit na anak.

Aminado ang mag-asawa na kinailangan nilang manghingi ng tulong sa kanilang mga magulang dahil kulang ang kanilang kinikita para sa buong maghapon.

Ipinagmamalaki ni Rizalina ang kasipagan ng kanyang mga anak na sina Rosemarie, Renalyn, at Romeo Jr. Habang lumalaki sila ay natutunan na nila na tumulong sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawaing bahay ng kanilang mga kapit-bahay para kumita ng perang pambaon at pambili ng mga gamit sa pag-aaral.

“Hinahangaan ko ang katatagan nila. Maraming kabataan ang mahilig humingi ng iba’t ibang bagay mula sa kanilang mga magulang, ngunit hindi ang mga anak ko. Pinaghihirapan nila ang anumang gusto nilang makamit,” sabi ni Rizalina.

Pagharap sa mga hamon

Batid ng pamilya Darauay na bahagi ng mga hamon sa kanilang pag-unlad bilang isa sa 4.4 milyon sambahayan na aktibong benepisyaryo ng 4Ps ang mga negatibong usap-usapan ng mga tao na sila ay umaasa lamang sa nasabing programa ng gobyerno.

Layunin ng 4Ps na mamuhunan sa edukasyon at kalusugan ng mahihirap na Pilipino. Ang mga napiling sambahayan ay makakatanggap ng tulong pinansyal kung sila ay nakasunod sa mga alintuntunin ng programa tulad ng: pagtitiyak na ang mga batang may edad 5-18 ay nakakapasok sa paaralan ng at least 80% ng kabuuang bilang ng araw ng pagpasok sa loob ng isang buwan; deworming para sa mga batang may edad 6-14 dalawang beses sa isang taon; at pag-papacheck up at pag-papabakuna sa mga buntis na kababaihan at mga batang may edad 5 pababa. Gayundin, ang mga magulang o guardian ay kinakailangang dumalo sa buwanang Family Development Sessions (FDS) kung saan tinatalakay ang mga paksa na may kinalaman sa effective parenting, pagpapatibay sa relasyon ng mag-asawa, child development, batas na nakakaapekto sa mga pamilyang Pilipino, gender and development, at pamamahala ng tahanan.

May iba’t ibang tulong pinansyal ang maaring makuha mula sa programa ng mga aktibong pamilyang benepisyaryo. Ang mga ito ay ang pinansyal na tulong pangkalusugan na nagkakahalagang  P500 bawat pamilya buwan-buwan, pinansyal na tulong pang-edukasyon na nagkakahalagang P300 kada estudyanteng nasa elementarya at P500 kada estudyanteng nasa high school, rice subsidy na nagkakahalagang P600, at Unconditional Cash Transfer (UCT) grant na nagkakahalagang P300 kada buwan para sa taong 2019.

Sagot ni Rizalina sa kanila, “Ang paninindigan ko ay hindi kami umaasa lang sa natatanggap naming tulong sa 4Ps, nagsusumikap kaming mag-asawa upang patunayan na hindi lang kami nabubuhay at naghihintay sa tulong ng programa.”

Prayoridad ng pamilya Darauay na ang ayudang natatanggap nila ay mapupunta sa pag-aaral at pagkain ng kanilang pamilya. Ang kaunting natira ay siyang inipon nila upang maging puhunan sa pagtitinda ng meryenda tulad ng fishball, kwek kwek, hotdog at iba pa. Pumasok din bilang construction worker si Romeo at ang kinikitang arawang bayad ay ginagamit para sa unti-unting pagpapaayos ng kanilang bahay. Ito ang ilan sa mga ginagawa nila upang patunayan na kahit sila ay may natatanggap na tulong ay may ginagawa pa rin sila upang umangat ang kanilang buhay.

Para sa mag-asawang Darauay, paulit-ulit din nilang pangaral sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng edukasyon kaya’t malaki ang pasasalamat nila sa programa sa pagbahagi ng tulong upang mapag-aral ang kanilang mga anak.

“Hindi naman habang buhay na may 4Ps na aagapay sa amin. Edukasyon lamang ang pwede naming maipamana sa kanila at ang kagandahan pa nito, hindi ito pwedeng nakawin ninu man. Dahil sa 4P’s, ang dating pangarap lang na mapag-aral namin ang mga anak ay natugunan ng programa. Masasabi kong dahil sa 4P’s, napagtapos ko ang isa kong anak ng kolehiyo at itong bunso ko ay sigurado akong mapapabuti rin ang kinabukasan,” ani Rizalina.

Daan sa mga pangarap

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsusumikap ng pamilya Darauay upang mapabuti ang kalagayan ng kanilang buhay.

Ang panganay na anak na si Rosemarie ay nakapagtapos ng dalawang taon sa kursong Computer Science at ngayon ay nagtatrabaho bilang isang saleslady sa Maynila. Regular siyang nagpapadala ng tulong sa kanyang pamilya. Bagamat isang solo-parent, hindi siya pinanghihinaan ng loob na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang anak katuwang ang mga magulang.

Si Renalyn naman ay nagtapos ng kursong Secondary Education sa Cagayan State University noong 2015. Sa ngayon ay puspusan siyang naghahanap ng mapapasukang paaralan. Kahit siya ay nakapag-asawa at nagkaanak na, hindi ito naging balakid sa kanyang pagtatapos sa pag-aaral at pagpupursige upang matanggap bilang isang guro.

Pangarap naman ng bunsong si Romeo Jr. ang maging pulis kaya’t nagsisikap siya na makapagtapos ng pag-aaral para makamit ang pangarap na magkapagsuot ng unipormeng asul at makintab na sapatos. Nais niya maglingkod sa sambayanan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng bansa.

Sa huli, batid ni Rizalina na hindi magiging madali ang daan tungo sa pangarap ng kanilang pamilya, ngunit hindi sya nawawalan ng pag-asa sa buhay.

“Hawak kamay kaming patuloy na nangangarap at nagsusumikap na abutin ang aming pangarap, pangarap na alam naming sa bawat paggising ay nasisilayan ng pag-asa, mananatili lamang ang mga bakas sa basura.” sabi niya.

Isa lamang ang pamilya Darauay sa mga dahilan kung bakit patuloy na pinapaigting ng DSWD ang mga programa nito upang mas marami pang pamilya ang matulungan at umangat sa kanilang pamumuhay. -30-