DSWD ginawaran ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko

Featured, News 0 Comment 0
Malugod na tinatanggap ni Direktor Irene Dumlao ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan ang Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko mula kay G. Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining at Tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).
 
Kasama rin sa larawan (mula sa kaliwa) sila Bb. Anna Katarina B. Rodriguez, Direktor Heneral; at Gng. Purificacion De Lima, Fultaym na Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Ilokano.

Ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan o mas kilala bilang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay pinarangalan ng  Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko, Antas I, ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) para sa masidhi nitong pagtaguyod na gamitin ang wikang Filipino sa serbisyo publiko.

Ang parangal ay iginawad noong Agosto 30, 2019 sa Pambansang Museo sa Maynila, bilang  bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa buong bansa. 

Taon-taon, ang KWF ay nagsasagawa ng patimpalak na tinatawag na Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko para sa mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan bilang pagtalima sa Atas Tagapagpaganap Bilang 335.  Ang nasabing Kautusan ang siyang nag-aatas sa lahat ng departamento, kawanihan, opisina, ahensiya, at instrumentalidad ng gobyerno na gamitin ang wikang Filipino sa lahat ng transaksyon, komunikasyon, at korespondensiya.

Ang KWF ay isang ahensiya ng gobyerno na nagbabalangkas ng mga patakaran, mga plano, at mga programa upang matiyak ang higit pang pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapalaganap, at preserbasyon ng wikang Filipino.

Ayon sa mensahe ng Kalihim ng Kagawaran, Kalihim Rolando Bautista, na binasa ni Direktor Irene Dumlao, ang  Ahensiya ay naniniwala na ang parangal ay isang pagkilala sa mga kawaning araw-araw na nakikisalamuha sa mga mahihirap at lubos na nangangailangan.

“Kinikilala natin na mahalaga ang paggamit ng wikang Filipino upang lubusang makapaglingkod sa sambayanang Pilipino, at maihatid ang nararapat na serbisyo sa pamamaraang naiintindihan at naisasapuso ng ordinaryong tao,” dagdag pa ni Dir. Dumlao.

Sa kasalukuyan, ginagamit ng Kagawaran ang wikang Filipino bilang pamantayan sa pakikipag-dayalogo sa sektor na pinagsisilbihan nito. Ginagamit din ang wikang Filipino sa mga transaksyon, komunikasyon, at korespondensya, tulad ng pampublikong pahayag; memo; mga form ng survey; posters; at brochures.  Maging ang ibang mga importanteng dokumento ng iba’t ibang opisina ng Kagawaran ay naisalain na rin sa Wikang Filipino tulad ng Gabay ng Mamamayan (Citizen’s Charter).

“Ang pagtanggap at pag-angkin sa karangalang ito ay katumbas ng aming pangako na tunay na malasakit sa mahihirap, maagap at mapagkalingang serbisyo sa mamamayan,” pagtatapos ni Director Dumlao. -30-