Bukas ang mga pinto ng DSWD sa mga maralitang Pilipino at mamamayan: Mga residente ng Montalban, Rizal, dumalaw sa tanggapan

News 0 Comment 0
Makikita sa larawan si DSWD Assistant Secretary Malou Turalde na malugod na nakipag-diyalogo sa mga lider at miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan-Rizal Chapter (BAYAN Rizal) na bumisita sa ahensiya upang hingin ang tulong ng Departamento kaugnay sa kahilingan nilang hindi mapalayas sa kanilang lugar panirahan at lupang sinasaka

Makikita sa larawan si DSWD Assistant Secretary Malou Turalde na malugod na nakipag-diyalogo sa mga lider at miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan-Rizal Chapter (BAYAN Rizal) na bumisita sa ahensiya upang hingin ang tulong ng Departamento kaugnay sa kahilingan nilang hindi mapalayas sa kanilang lugar panirahan at lupang sinasaka.

Ngayong Hulyo 18, 2016, dumalaw ang aabot sa 120 na mga magsasaka at mga maralitang residente ng Montalban, Rizal ang Sentral na Tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang hingin ang tulong ng ahensya kaugnay sa kanilang kahilingang hindi mapalayas sa kanilang lugar panirahan at lupang sinasaka.

Ayon kay Jomar Caraan, miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan Rizal Chapter (BAYAN Rizal) at nagsisilbi bilang isa sa mga lider-masa ng grupo nakararanas ang mga tiga Kasiglahan Rodriguez Rizal ng panunupil mula sa isang debeloper ng lupa.

Ayon pa kay Caraan, “Ginigipit na ang mga magsasaka at mamamayan sa usapin ng seguridad. Pinapaalis kami, pero wala naman kaming paglilipatan. Matagal na kaming nakatira sa mga komunidad namin, pero basta-basta kaming pina-paalis. Hindi po ito tama,” aniya.

Hinihiling din nila ang tulong ni DSWD Secretary  Judy Taguiwalo at ng iba pang ahensya ng gobyerno na mapigilan ang panggigipit na nararanasan. Isang liham ang kanilang ipinaabot sa tanggapan ng kalihim.

Dumating ang mga residente ng Montalban kasama ang ilan pang residente ng Barangay Commonwealth pasado alas-11 ng umaga. Binigyang diin nila hindi sila magpoprotesta bagkus ay maglalatag ng hinaing at hihiling ng suporta sa kasalukuyang dinaranas na panggigigpit sa kanilang lugar.

Bagama’t may ibang pulong na dinaluhan si Secretary Taguiwalo at hindi na inabot ng mga bisita mula Montalban (hindi nakaiskedyul kanilang pabisita),  malugod naman silang sinalubong ng mga ilang mga undersecretary ng ahensya at mga kawani ng DSWD. Nagkaroon ng maikling diyalogo sa New Lobby ng DSWD at hinarap sila nina Assistant Secretary Malou Turalde at Undersecretary Mae Fe Ancheta Templa. Ayon sa karamihan, unang pagkakataon nilang makapasok sa loob ng DSWD office.

Ipinaliwanang ni Assistant Secretary Turalde ang pangkalahatang direksyon ng ahensya. Binanggit niya rin na sa pagbabagong hinahangad, lubhang mas mahalaga ang pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng mamamayan para maabot ang mga ito.

Nagbahagi ng karanasan, hinaing at mithiin ang ilan sa mga nagsipag-dalo. May ilan ding nagpaabot ng kakulangan ng departamento sa pagpapatupad ng programa nito gaya ng hindi sapat na halagang natatanggap ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Pangunahin nilang hiling ang hindi mapalayas sa kanilang lugar; pangalawa ay ang paghiling na madama ang iba pang programa ng DSWD gaya ng programa para sa mga Senior Citizen o ang Social Pension Program, ng Solo Parent Program para sa mga magulang na mag isang itinataguyod ang anak/mga anak, at ang programa na tutulong sa mga may kapansanan na nasa ilalim naman ng Protective Services Program.

Inanayayahan din ng mga residente sa Montalban na bisitahin ng mga kawani at/o upisyal ang kanilang lugar upang makita ang kanilang sitwasyon sa panirahan at pagsasaka.

Nakabibinging palakpakan naman ang pumuno sa lobby nang sabihin ni Assistant Secretary Turalde, Siguradong  ito ay pipirmahan ni Sec. Judy,” aniya.

Ayon pa dito, ilalapit din nila sa iba pang ahensya ng gubyerno na makakatulong gaya ng pag endorso nito kay Department of Agrarian Reform o DAR Secretary Rafael “Ka Paeng” Mariano, at sa Department of Environment and Natural Resources o DENR Secretary Gina Lopez.

Sa pagtatapos, inanayayahan ni Assistant Secretary Turalde na samahan siya sa pagdalo sa unang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte, at ang paggigiit doon ng kanilang kahilingan kasabay ang pagsuporta sa usapang pang kapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines o GRP at sa pagitan ng National Democratic Front o NDF, Moro Islamic Liberation Front o MILF at Moro National Liberation Front o MNLF para sa matagalang kapayapaang nakabatay sa pagkamit ng hustisyang panlipunan.

Matapos ang pagpupulong sa DSWD, tutungo papunta sa opisina ng DAR ang grupo ng mga magsasaka sa Montalban na kinabibilangan ng mga miyembro ng BAYAN at Anakpawis Party List. ###