Hindi magsasara ang educational assistance program ng DSWD ngayong Hulyo – Sec. Taguiwalo
News July 18, 2017, 0 Comment 0Dahil sa pagdagsa ng mga tao na humihingi ng educational assistance nito, nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na WALANG KATOTOHANAN ANG MGA UMIIKOT NA BALITA na magsasasara na ang educational assistance program ng DSWD.
Nakiusap si DSWD Sec. Judy M. Taguiwalo sa mga residente ng Quezon City – particular sa mga residente ng Brgy. Pasong Tamo, Brgy. Pasong Traomo, Brgy. Holy Spirit, Brgy. Silangan. At iba pang karatig na barangay na HUWAG PANIWALAAN ANG MGA ULAT na mula sa mga tao o opisyal na HINDI TAGA-DSWD na nagpakalat ng report na magsasara na ang educational assistance program.
Dahil sa maling ulat na sinabi mismo ng mga residente na dumagsa sa DSWD ay nanggaling sa mga barangay officials at mga principal ng iba’t-ibang eskwelahan sa mga naturang baranggay, umaabot sa minimum na 2,000 tao ang pumupunta araw-araw simula nitong nakaraang Huwebes sa DSWD Central Office sa pag-asang makaka-kuha agad ng educational assistance.
“Hindi po tutoo na kung hindi makaka-kuha ng educational assistance kung hindi mag-aaaply ngayon . Malayo pa po sa dulo ng Agosto ang cut-off po sa educational assistance ng DSWD. Walang pangangailangan para mag-panic. Kawawa po ang mga nanay at tatay na ala-1 pa lang madaling araw ay pumipila na. Nababasa sila ng ulan at nabibilad sa araw; ang iba ay may mga kasama pang mga bata. Marami-rami din ang mga senior citizens!”
Dahil sa maling ulat na pinalaganap ng mga HINDI TAGA-DSWD, nahihirapan ding maka-agap ang mga staff at social workers ng DSWD na alas-4 na ng umaga natatapos sa trabaho na tuloy-tuloy maiproseso lang ang mga request for assistance.
“Mga kababayan, magtulungan po tayo. Huwag pong maniwala sa mga sabi-sabi ng mga taong hindi po taga-DSWD. Maglalabas po ang DSWD ng pampublikong anunsiyo tungkol sa mga programa at serbisyo nito pag may pangangailangan. Hindi po natin alam ang motibo ng mga indibidwal o grupo na nagpalabas ng maling balita tungkol sa educational assistance ng DSWD, pero ang malinaw po ay hindi dapat isipin ng mga residente sa komunidad na magsasara ang DSWD services and programs,” ani Sec. Taguiwalo.
Huwag Pumunta ng madaling-araw
Sinabi ni Sec. Taguiwalo na HUWAG PUMILA ang mga tao sa DSWD nang maagang-maaga dahil sa delikado. Pag pumunta sa DSWD Central Office ngayon, ang makukuha lamang ay STUB NG SCHEDULE kung kailan sila pwedeng bumalik. Hindi na nila kailangang pumila ulit.
“Pag mayroon nang stub, bumalik sa araw na tinakda DALA ANG COMPLETE REQUIREMENTS mula sa mga oras ng 8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon. Hindi kailangang pumunta ng madaling araw. Inuulit po, HINDI MAUUBOS ngayong Hulyo and educational assistance ng DSWD,” pagwawakas niya. #